Binalikan ko ang mga lugar na dati nating pinupuntahan Ang aklatan Ang sinehan Ang damuhan Ang mahal nating paaralan Sa isang hagdan Hinanap ko ang baitang na dati kong sinulatan ng ating pangalan Wala na siya ngayon Nabura na ng mga paa Ang tinta na pruweba na minsan din tayong umistambay ro'n Bago na ang pintura ng mga dingding Ang mga kahoy na pinto, ngayo'y gawa na sa salamin May mga bagong tayong gusali Pinalit sa mga nasunog at giniba Naalala mo pa ba ang sinasabi mo noon? Walang iniiwan ang panahon Walang inaabandona ang oras Bitbit niya tayo sa kanyang mga kamay Sumusulong ang lahat Gustuhin man natin o hindi At ang nakaraan ay nanatiling nandiyan Dahil lagi tayong nakalingon Pwes, gusto kong mangawit ang iyong leeg Gusto kong masdan mo ang lahat ng ito Pero hindi, hindi pagsisi ang naririnig mo sa'king mga salita Pero totoong hinahatak kita pabalik sa aking gunita Misteryosong alaala Hinahanap minsan ng isa ang matagal nang itanapon ng iba Magdadahilan ako't sasabihing baka kasi may nawaglit akong detalye Sa tingin ko'y may nabitiwan akong leksyon At ayokong pakawalan ang kahapon Kung ang ibig sabihin ay lilimutin ko kung sino ako noon Paano ba kasi nangyari Na noong mas mahina pa tayo ay saka pa tayo mas matapang? Paanong mas ninamnam pa natin ang panonood sa mga paang papalayo Kung mas mabigat pa noon ang mga paalam? Paanong wala tayong pakialam Kung maputikan ang mga sapatos kung tutungo tayo sa minamahal? Paanong samantalang ngayon Kung may nagbabadyang ulan ay ni ayaw nating lisanin ang ating mga tahanan? Matatawag mo pa ba itong tahanan? Ilang pahid ng pintura? Ilang pintong napalitan? Ilang damuhang naging sementadong daan? Ilang bagong gusali ang kailangan niyang pagdaanan Bago mo masabing hindi na ito ang kanlungang kinamulatan? At anong lakas ng loob nating hingin sa kanya na h'wag magbago Gayong ilang beses na tayong nag-iwan ng lumang balat sa kanyang aspalto? At kailan ka pa pinaliit ng pagmamahal? Kailan mo isinauli ang libro? Lukot ang pabalat Pilas ang ilang pahina Walang bulaklak na nakaipit Sa paborito niyang tula